Tags
cinemalaya, Eduardo roy, Hasmine Killip, indie film, Pamilya Ordinaryo, Pelikulang Pilipino, poverty porn, Ronwaldo Martin
Unang ginamit ang terminong “poverty porn” bilang kritisismo sa 2008 film na Slumdog Millionaire. Tungkol ito sa paggamit ng kahirapan sa plot ng pelikula para sa libangan ng gitnang uring manunuod. Habang pinapakita ang paghihirap ng mga karakter ng pelikula, ineenjoy ng manunuod ang komportable nyang posisyon. At bagaman mahihirap ang sentro ng mga kwentong ito, patuloy naman silang tinatratong mahina at walang kapangyarihan. Hindi sila pinapalaya ng pelikula sa kulungan ng kanilang katayuan.
Nang nagsimula ang digital filmmaking sa Pilipinas, naging poverty porn ang bulto ng mga Pelikulang Pilipino. Mula local hanggang international film festivals, kahirapan ang mukha ng Philippine cinema. Marahil ang pinakakilalang pigura sa genre na ito ay si Brillante Mendoza. Ang mga akda nya tulad ng Kinatay, Serbis, at Masahista ang naging template ng Filipino poverty porn films.
Isa pang epitomiya ng poverty porn ay ang pelikulang Pamilya Ordinaryo. Pinakita ng pelikulang ito ang dalawang mukha ng poverty porn. Una, kung paano nagiging problematic ang genre na ito sa pagkahon at paglimita nya sa mga mahihirap na karakter. At pangalawa, kung paanong ang mga pelikulang tulad nito ay may kakayahang masuri ang detalye ng kahirapan at matukoy kung anong mga pwersa ng lipunan ang sanhi ng paghihirap ng mga tao.