Hindi bago ang kwento ng bakla sa Philippine media. May makulay at kadalasa’y masalimuot na kasaysayan ang representasyon nila sa sine at TV. Sa pagpasok ng panibagong porma ng gay media sa Pilipinas, kailangan suriin kung paano nakatutulong o nakasasama ang mga palabas na ito sa imahe ng bakla.
Dalawa sa pinakasikat na BL na palabas ngayon taon ay ang Game Boys at Hello Stranger. Sa mga ito, makikita ang bagong porma ng kwento ng bakla – mas positibo, mas kaiga-igaya, mas masaya. Malaking kaibahan ito sa mga kwento ng bakla na lumabas nung kasagsagan ng indie films sa bansa – sa bandang dulo ng 2000s. Sa mga ito, nagdarahop ang bakla. Biktima sya sa mapanakit at bayolenteng lipunan. Kaya hindi maiiwasang tanungin kung ano ang dahilan sa pagbabago ng mga kwentong ito.
Sa video essay na ito, pag-uusapan natin ang nagbabagong naratibo ng bakla at kung paano naiba ang BL Series na Gameboys at Hello Stranger sa indie gay films na lumabas sa kasagsagan ng indie film movement sa bansa. Pagtutuunan natin ng pansin ang tatlong pelikula mula sa tatlong direktor na naging haligi ng gay indie films sa bansa – Jay ni Francis Pasion, Ang Lihim ni Antonio ni Joselito Altajeros, at Masahista ni Brillante Mendoza.

Sa Pilipinas, naging kakabit ng gay cinema ang indie film movement na nagsimula noong huling bahagi ng 2000s. Madalas napagbabaliktad ang kategorya ng gay cinema sa pink films – o ang uri ng sine na gumagamit ng nudity at sekswal na tema at naratibo.
Sentro ang seks at sekswalidad sa mga gay films noon. Kasabay ng diskusyon ukol sa diskriminasyon na nararanasan ng mga bakla ay imahe na nagdiriwang sa katawan ng mga ito.
Pinapakita rin ng mga gay films noon kung paanong pook ng krimen at karahasan ang katawan ng bakla. Kadalasan silang pinapaslang, ginagahasa, at kinakalakal. Mapapansin din kung paanong ang mga direktor nito, na madalas ay mga bakla rin, ay tinitignan ang bakla bilang mga bagay na nagtatahan sa dilim. Literal at figurative ang depiksyong ito. Bukod sa madilim na pag-iilaw ng mga eksena, mapapansin ding karaniwang sa gabi nangyayari ang kwento ng mga karakter. Pinapakita ng mga depiksyong ito kung paanong patuloy na itinatago at isinasantabi ang imahe ng bakla. Patuloy na nananahan ang bakla sa madilim at peligrosong sulok ng lipunan dahil sa takot.
Ngunit sa pagpasok ng bagong dekada, nakita rin sa Philippine media ang bagong pagkukwento sa karanasan ng bakla. Hindi katulad ng dati, maaliwalas na ang depiksyon sa imahe nito. Hindi na lamang sa gabi nya naipapakita ang kanyang identidad at pagkatao. Bagkus, malaya na siyang harapin ang lipunan nang walang tinatago. BL o Boys Love ang tawag sa mga palabas na ito at may mahaba silang kasaysayan na hiwalay pa sa gay at queer cinema sa bansa.
May mahabang kasaysayan ang BL at iba’t ibang bersyon nito. Mula sa yaoi sa Japan patungo sa Boys Love ng Thailand at ngayon nga ay BL bilang reimagination ng mga Pilipino sa imahe ng bakla.
Hindi maitatangging tagumpay ang taktika ng BL sa pagkontra sa seksismo at homophobia na laganap sa bansa. Halimbawa na lang ay nagawang pasukin ng BL ang konserbatibong network kagaya ng ABS-CBN. Tagumpay ding maituturing na walang pagtutol ang mga religious groups at bigoted personalities sa pagpapalabas ng BL series sa bansa.
Nakapagbigay rin ng sense of pride ang salitang BL. Imbes na gamitin ang titulong bakla – na puno ng derogatory na konotasyon, Boys Love na ang tawag sa mga homosexual males at kanilang mga love story. Hindi na kahiya-hiya ang male-and-male romance, lalo sa batang henerasyon.
Higit sa lahat, nagawa ng BL series na dalhin sa pedestal ang mga baklang karakter. Tagumpay na maituturing na makapanood ng dalawang lalaking nagmamahalan sa screen. Para sa isang Katoliko at konserbatibong bansa, mahalagang hakbang na ito sa pagkilala sa pantay na karapatan ng LGBT community.
Ngunit kasabay ng istilo, estetika, at taktika na namana ng BL Series sa mga foreign adaptations nito, ay ang mga problematikong depiksyon sa bakla. Sa Gameboys at Hello Stranger, kita pa rin kung paano nila sinunod ang genre ng BL, partikular ang limitasyon nito. Mga gwapong bida ang pinipili, sinusunod ang gender roles na kung saan may masc at effem na papel, at passive at marginal ang role ng babae na kadalasan ay sya pa ang kontrabida.
Interesante rin kung paano lalong ipinakita ng dalawang palabas na ito ang issue ng social class. Kabaliktaran nang sa indie films, ang bakla sa BL Series ay kadalasang middle class. May kakayahan itong bumili ng maayos na kompyuter, magkaroon ng access sa mabilis na internet bilang video chat ang mas pinipiling uri ng komunikasyon, at magkaroon ng komportableng bahay at buhay sa gitna ng pandemya. Pagmamahal at identidad ang pangunahin nilang suliranin at hindi ang survival sa gitna ng malawakang gutom at kahirapan.
Ang sekswalidad ng mga karakter ay naging passive din. Kung dati, kasarian ng bakla ang dahilan ng kanyang pagdarahop, ngayon, maliit na balakid na lang ito sa kanyang kwento.
Sa Hello Stranger, tila hindi suliranin sa mga karakter ang pag-amin sa iba bilang bakla. Na para bang kaya nila tinatago sa iba ang pagkagusto sa kapwa lalaki ay hindi dahil sa konotasyon ng kabaklaan kundi dahil lang sa pagkatorpe. Sa Game Boys naman, huli na ng pag-usapan sa serye ang problema ng pagiging bakla. Nakapagpakita na ang serye ng ilang problema sa kwento bago pa kilalanin ang suliranin sa titulo ng pagiging bakla. Animo’y iniiwasan ng serye na pag-usapan at talakayin ang issue na ito.
Hindi masasabing perpekto ang naratibo ng mga gay films sa indie cinema. Bagaman malaki ang ambag ng mga pelikulang ito sa pagkilala ng Pilipinas sa international film scene, kinulong din ng mga pelikulang ito ang imahe ng bakla. Fetishized ang depiksyon ng prostitusyon at rape. Madalas, nakalilito kung ginagamit ba ng direktor ang katawan ng mga artista bilang kritisismo sa kalagayan ng lipunan o baka bilang marketing tool upang makaakit sa gay film market na naghahanap ng pampalit sa gay bomba films na umuso noong 80s at 90s.
Cautionary tale ang kwento sa gay indie films. Nagsisilbing babala ang mga pelikulang ito sa panganib ng pagiging bakla. Kaya karaniwang hindi happy ending ang mga ito dahil palatandaan sila sa hirap ng Filipino gay community na makahanap ng pag-ibig, pagtanggap, at pagmamahal.
Sa BL series naman, mas illusionary tale ang motif ng mga naratibo. Pinipinta ng mga palabas ang isang masaya, positibo, at tila perpektong mundo. At wala namang problema sa ganitong depiksyon. Maari naman talagang gamitin ang cinema o TV bilang pook ng imahinasyon at pag-asa. Ang problema sa mga BL series, ang happy ending nito ay base sa patriyarkal na konsepto ng pamilya at relasyon. Heteronormative pa rin ang roles at expectations sa mga karakter. May sinusunod na gender roles, may nanliligaw at nililigawan, ay may dominante at dinodominahan. Kung puro ganito ang tingin sa kwento ng bakla, nabubura ang danas at hirap ng marami. Hindi nabibigyang diin ang mga suliranin at hinagpis na nararanasan nila sa aktwal na lipunan.