Tags

, , , , , , ,

Unang ginamit ang terminong “poverty porn” bilang kritisismo sa 2008 film na Slumdog Millionaire. Tungkol ito sa paggamit ng kahirapan sa plot ng pelikula para sa libangan ng gitnang uring manunuod. Habang pinapakita ang paghihirap ng mga karakter ng pelikula, ineenjoy ng manunuod ang komportable nyang posisyon. At bagaman mahihirap ang sentro ng mga kwentong ito, patuloy naman silang tinatratong mahina at walang kapangyarihan. Hindi sila pinapalaya ng pelikula sa kulungan ng kanilang katayuan. 

Nang nagsimula ang digital filmmaking sa Pilipinas, naging poverty porn ang bulto ng mga Pelikulang Pilipino. Mula local hanggang international film festivals, kahirapan ang mukha ng Philippine cinema. Marahil ang pinakakilalang pigura sa genre na ito ay si Brillante Mendoza. Ang mga akda nya tulad ng Kinatay, Serbis, at Masahista ang naging template ng Filipino poverty porn films. 

Isa pang epitomiya ng poverty porn ay ang pelikulang  Pamilya Ordinaryo. Pinakita ng pelikulang ito ang dalawang mukha ng poverty porn. Una, kung paano nagiging problematic ang genre na ito sa pagkahon at paglimita nya sa mga mahihirap na karakter. At pangalawa, kung paanong ang mga pelikulang tulad nito ay may kakayahang masuri ang detalye ng kahirapan at matukoy kung anong mga pwersa ng lipunan ang sanhi ng paghihirap ng mga tao. 

2016 best film sa Cinemalaya ang Pamilya Ordinaryo. Tungkol ito sa mga batang magulang na sina Aries at Jane Ordinaryo at ang isang buwan nilang sanggol na si baby Arjan. Nakatira sila sa lansangan ng Maynila at binubuhay lamang ng pagiging isnatcher. Isang araw, mananakaw sa kanila si Baby Arjan. Tatakbo ang kwento sa paghahanap ng dalawa sa nawawala nilang anak. 

Pasok sa genre ng poverty porn ang Pamilya Ordinaryo. Sumesentro sa hinagpis na nararanasan ng mahihirap ang mga pelikula na poverty porn. Urban poor area ang setting ng kwento at puno ng krimen at karahasan ang mundo ng mga karakter. Madilim at tila walang pag-asa ang realidad ng Pamilya Ordinaryo. 

May negatibong konotasyon ang terminong poverty porn. Naging problematic ang approach na ito, una dahil hindi lang naman naratibo ng kahirapan ang kwento ng Pilipino. Pangalawa, mapang-gamit sa danas ng mahihirap ang marami sa mga pelikula. Imbes na ipakitang may kakayahan ang mahirap na kumawala sa hawla ng kanyang kondisyon, tinuturing syang inutil at mahirap na lamang. 

Para sa mga kritiko, kailangang may ‘sense of empowerment’ ang mga pelikulang tumatalakay sa kahirapan. Hindi lamang basta pag-usapan ang sakit ng pagiging mahirap, bagkus, dapat tukuyin ng pelikula ang paraan kung paano makakaalis ang mga mahihirap na karakter mula sa kanilang kondisyon. Halimbawa, sa Barber’s Tales ni Jun Lana, rebolusyon ang sagot sa rural poverty. Ganundin ang mensahe sa Orapronobis ni Lino Brocka. 

O di kaya bigyan dapat sila ng pelikula ng kakayahan na lumabas sa limitasyon ng kanilang identidad bilang mahirap. Halimbawa sa John Denver Trending, hindi lamang mahirap na karakter si John Denver. Pinakita ng kwento ang danas nya bilang kabataan na probinsyano sa mundong makapangyarihan ang Internet at social media. 

Sa Pamilya Ordinaryo hindi rin binigyan ng hustisya ang bidang mag-asawa. At mukhang wala rin namang mananagot at aako ng responsibilidad sa masakit na karanasan ng mga karakter na ito. 

Sa kabilang banda naman, hindi maaring sabihing pawang negatibo lamang ang dulot ng poverty porn genre sa Pelikulang Pilipino. Ang pag-usbong ng Third Golden Age ng Philippine cinema o tinaguriang indie film movement ay nakaangkla sa poverty porn. Ang mga internationally acclaimed films mula sa bansa ay karaniwang tumatalakay sa ibat-ibang anyo ng kahirapan. Masasabi ngang poverty porn ang naglagay sa Pelikulang Pilipino sa mapa ng mundo. 

Hindi maikakailang mahalaga ang usapin ng kahirapan sa Philippine cinema. Maging ang mga pelikula noong Second Golden Age ay tumuligsa sa laganap na kahirapan sa bansa. Para sa isang third-world na nasyon, karaniwang tema ang social class ng tao. At kadalasan, pelikula lamang ang tanging may lakas loob para pag-usapan ang mga suliranin sa bansa. 

Sa Pamilya Ordinaryo, magandang pag-usapan ang iba’t ibang etikong konsiderasyon. Sa kabila ng kawalan ng pera, bahay, at pagkain, paano maipoproseso ng mahirap na mag-asawa ang pagkuha ng kanilang anak ng isang mayamang pamilya? Krimen nga bang maituturing ang pagkawala ng kanilang anak kung mayroon itong mas maayos na hinaharap sa bago nyang pamilya? Masasabi nga bang krimen ang kidnapping kung sinasalba nito ang bata mula sa mahirap na buhay sa lansangan?

Kung babalewalain ang kahirapan sa naratibo ng Pamilya Ordinaryo, walang lalim ang pag-unawa ng manunuod sa karanasan ng mga karakter. Hindi matutukoy kung ano ang motibasyon sa mga desisyon ng mga tauhan sa kwento. Hindi rin natin makikita ang kumplikasyon ng detalye ng kwento. 

Isa pa, hindi maikakailang reyalidad ng daan-daang pamilya sa mga syudad ng bansa ang karanasan ni Aries at Jane. Hindi ba’t marapat lamang na sumalamin ang mga karanasan at reyalidad na ito sa pelikula? At ang tanging magtatapos sa poverty porn genre ay ang pagsupil sa kahirapan na aktwal na nararanasan ng mga Pilipino. 

Katulad ng ibang film genre, binibigyan ng subók at epektibong sangkap ng poverty porn genre ang mga kwento sa pelikula. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng pagsunod sa conventions at canons ng genre na ito, mas madaling ibenta ng mga direktor ang gawa nila sa mga manunuod. Kabisado na ng fim viewers ang poverty porn kaya mas mayroong kalayaan ang direktor na magsama ng plot at karakters nang hindi tinatakot o nilalayo ang manunuod. Sa kaso ng Pamilya Ordinaryo, nagawang pag-usapan ng pelikula ang issue ng teenage parenting gamit ang tried and tested formula ng poverty porn genre. Mas madaling maiintindihan ng manunuod ang paksa ng pelikula dahil hindi na bago ang paraan ng pagkukwento nito. 

Kumplikado ang usapin ng poverty porn sa Pelikulang Pilipino. Totoong ngang kailangan natin ng mga pelikulang mas mapagpalaya, mas matapang, mas rebolusyanaryo – mga pelikulang nagbibigay ng lalim sa karanasan ng mga mahihirap at hindi lalong pagsamantalahan ang kanilang kondisyon. Sa kabilang banda, nakatutuwang isipin na nakabuo ng sariling identidad ang mga pelikula sa bansa – na ang karanasan nila bilang Pilipino ay humulma ng panibagong anyo ng pelikula.