Tags

, , , ,

Set sa Georgia ang pelikulang Untrue. Tungkol ito sa mag-asawang sina Mara at Joachim at sa mga suliranin sa kanilang relasyon. Sa unang tingin, kwento ng domestic violence ang pelikula. He said, she said ang istilo ng pagkukwento nito. Sa first act, bersyon ng babae ang maririnig. Baliw ang mister. Nananakit ito at nang-aabuso. Sa second act, bersyon naman ng lalaki. Manipulative ang misis, manloloko, at nasa loob ang kulo. 

Ilang mainstream romance films na rin ang nakita natin nitong mga nakaraang taon na set sa ibang bansa ang kwento. Romantic, bago sa paningin ng audience, at relatable ang OFW plot – ito ang ilang dahilan kung bakit ginagasgas ng mga producer ang ganitong istilo. Pero sa Untrue, sulit ang gamit sa Georgia bilang setting. Una, nagbigay ito ng mysterious vibe. Hindi tayo pamilyar sa lugar kaya nahugis ng filmmakers and kunteksto ng Georgia na swak para sa isang thriller na pelikula. May sense of discomfort ang mga eksena sa hindi pangkaraniwang kapaligiran – na animo’y may biglang lalabas na nilalang na mananakot o manggugulat.

Pangalawa, dahil nga hindi natin kabisado ang kultura ng bansa, malaya ang scriptwriter na magtanim ng plot devices na madaling lunukin ng manonood. Nang ginamit ang folk dance, wine culture, vineyards, at iba pa para paandarin ang daloy ng kwento, naging madali ang suspension of disbelief kasi bago naman sa atin ang Georgian culture. 

May tatlong bahagi ang daloy ng kwento sa Untrue. First Act ang magpapakila ng kwento sa manonood. Makikita ang babaeng puno ng galos sa katawan at nagrereport ng domestic abuse na naranasan nya mula sa kanyang asawa. Mukhang walang hinahandog na bago ang First Act.  Mukha lang syang tipikal na domestic abuse film na nagawa na dati. Abusado ang lalaki, kaawa-awa ang misis nito, at yun ang ikukwento ng pelikula. Kapansin-pansin din ang pagganap ni Xian Lim. Mukhang pilit ang bawat galaw. Hindi natural. Hindi mukhang totoo. 

Pagdating sa Act 2, mas maliliwanagan ang manonood kung bakit pinili ng director na ipakita sa ganuong istilo ang unang bahagi ng pelikula. Isang perspektibo lang pala ang first act. Biased na bersyon ito. Nakita ng manonood ang perspektibo ni Mara.

Dito sa pangalawang bahagi ng kwento, matutunghayan ng manonood ang bersyon ni Joachim. Para sa kanya, sya ang biktima. Sya ang inabuso. Sya ang kinawawa. Mapagtatanto ng manonood na hindi ito tipikal na pelikula. Inilalatag ng Untrue ang isang bugtong na kailangang sagutan. Iniimbitahan ang manonood na mag-isip, na manghula kung ano ang totoo at hindi. 

Sa Act 2 rin makikita kung paanong naipalabas ng direktor ang acting range ng mga artista, lalo na si Xian Lim. Hindi lang pala pogi roles ang kaya nyang gampanan. Binigyan sya ng opurtunidad ng pelikula |na lumabas sa nakakahon nyang matinee idol roles sa TV at sine.  

Sa Act 3, naging higit pa sa domestic violence ang paksa ng kwento. Sanga-sanga na ang mga detalye. Rape, suicide, mental health, stalking, obsession, at iba pa. Ilan sa mga detalyeng ito ay dumagdag sa lalim ng kwento, pero karamihan, hindi na kailangan. Mga pampalabok na lang sa sana’y sapat na plot ng pelikula. Halimbawa ay ang backstory ng pagkamatay ng mga magulang nina Mara at Ana. Nagamit ito para maipakita ang obsessive nature ni Mara sa pagkamit ng hustisya. Ngunit, hindi ito matagumpay na naitagpi ng Untrue sa kabuuang kwento. 

Sa kabila ng mga pagkukulang na ito, matagumpay ang Act 3 sa pagdala sa audience sa tunay na paksa ng pelikula – na mas tuso ang babae kaysa sa lalaki. Bagaman tungkol sa power dynamics ng babae at lalake ang unang dalawang bahagi ng kwento, makikita sa bandang huli, babae ang mas nananaig. 

Ang ending ng kwento ang nagbigay diin sa mensaheng ito. 

Pagdating ni Mara sa presinto, sasabihin ng pulis sa kanya na kanina pang nandoon si Joachim. Naunahan nya si Mara. Mapapaisip ang manonood na nanalo si Joachim sa huli.

Pero mali ang akalang ito. Sa huling segundo ng pelikula, mas magiging malinaw ang lahat.

Hawak ni Mara ang maliit na espada ng pigurin na Mother of Georgia bago pa man sila magkita ni Joachim. Ibig sabihin, bago pa man ipaalam sa kanya na nasa presinto na ang kanyang asawa, alam na nya ang gagawin. Na kay Mara ang kontrol simula’t sapul. At hindi ito kailanman nawala sa kanya. 

Maraming maaaring interpretasyon sa pelikula. Pwedeng tungkol ito sa alternative truth o ang pagbura ng idea ng totoo at hindi. O di kaya’y kritisismo sa middle class at male privilege nang magawang tumakas ni Joachim sa mga ginawa nyang kasalanan at magbagong buhay sa ibang bansa. 

Pero higit sa lahat, tungkol ang Untrue sa tuso at talas ng kababaihan. Mas komplikado ang babae at ito ang dahilan kung bakit sya dapat katakutan. Parehas syang sandata at ubas. Maternal, welcoming, friendly. At sa kabilang banda, cunning, dangerous, and spiteful. 

Masarap panoorin ang Untrue dahil nagbibigay ito ng bagong karanasan sa Pilipinong manonoood. Bago ang istilo ng pagkukwento, swak ang gamit ng setting, rebelasyon ang acting ng cast, matalino ang script, at bonus pang maituturing ang maayos na pagkukulay sa mga eksena. Pero bukod sa istilo, bago rin ang naratibo ng pelikula. Babae ang kinakatakutan. Sya ang naghahasik ng krimen. Sya ang may kontrol sa kanyang paligid. 

Mahalaga ang Untrue sa pagyabong ng imahe ng babae sa Pelikulang Pilipino. Mukhang nasa tamang direksyon ang sine sa bansa.

Untrue (2019) Review