Tags
Mitolohiya ang sagot ng tao sa mga bagay na hindi nya maintindihan. Kasal ng tikbalang para sa nagsasabay na araw at ulan. Tiyanak para sa mataas na infant mortality rate sa bansang pangit ang health care system. Santelmo para sa mga nawawala sa liblib na lugar na di pa inabot ng kuryente at maayos na daan. Sa dokumentaryong Aswang, ginamit ang mito ng aswang upang ipa-intindi ang tila-piksyonal na kalagayan ng Pilipinas. Naging gabay ang metapora ng aswang upang maarok ng manonood ang karumal-dumal na danas ng mga Pilipino sa rehimeng Duterte.

Tinalakay ng Aswang ang War on Drugs na kampanya ng administrasyong Duterte. Sinundan nito ang grupo ng Nightcrawlers – mga mamamahayag na ginawang personal na proyekto ang pagdokumento sa extra-judicial killings sa bansa. Malimit, kasabay ng grupong ito ang mga pulis sa kanilang operasyon. Ngunit hindi giyera ang imahe ng pelikula. Kaiba ito sa tipikal na depiksyon sa War on Drugs ni Duterte. Hindi ginawang ispektakulo ang pagpatay at hindi nagmukhang action film ang pelikula. Bagkus, ipinakita ng pelikula ang mga kaluluwa sa likod ng krimen. Sa pamamagitan ng tatlong piling karakter, tinalakay ng Aswang ang ibat-ibang anyo ng pighati.
Expository ang karaniwang istilo ng mga documentary films. Karaniwang ipinapakita ng direktor ang unadulterated na bersyon ng mga pangyayari. Klaro sa kanya na hindi piksyonal ang paksa. Totoo ito at kailangang mamulat ang manonood sa realidad na pinakita ng pelikula.
Pero iba ang Aswang. Sa pambungad na eksena na pelikula, mararamdaman ng manonood na animo’y piksyonal na naratibo ang kanilang matutunghayan. Mukha syang kwentong-bayan na pinagtagpi tagpi ng mito at kababalaghan.
Ngunit sa unang sampung minuto ng Aswang, mas maiintindihan ng manonood kung bakit ganito ang piniling pagkukwento ng pelikula. Bayolente, madugo, at nakaririmarim ang imahe ng War on Drugs sa Pilipinas. Parang eksena sa pelikula ang mga crime scene. Hindi mo iisiping totoo ang mga ito. Para silang dinisenyo upang magmukhang set ng pelikula. Cinematic pa nga ang mga imahe ng pagpaslang. At animo’y hindi nangyayari sa totoong buhay. Kaya naman mahalaga ang paggamit ng pelikula ng mito at kababalaghan. Tinutulungan nito ang manunuod na maarok ang ideya ng karumal-dumal na imahe ng bansa.
In-denial ang maraming Pilipino sa malupit at madugong administrasyon ni Duterte. Marahil isa itong paraan kung paano natin napoproseso ang trauma bilang mga Pilipino. Naiintindihan at tinatanggap ito ng dokumentaryo. Kaya ito gumamit ng mga simbolo upang tulungan ang manonood na intindihin ang kalagayan ng bansa. Pinili ng pelikula na gumamit ng metaporang pamilyar sa atin. Aswang ang kagimbal-gimbal na nilalang na kalaban ng lahat. Aswang na makapangyarihan ngunit kayang patayin kung magsasama-sama ang mga taga nayon upang kitilin ang buhay nito.
Bagaman spiritiwal ang atake ng pelikula, hindi ito takot tukuyin kung sino ang mga karakter sa likod ng metapora. Sa ilang minutong panunuood, nalaman na ng manonood kung sino ang aswang. Si Duterte ang ugat ng patayan sa bansa at may basbas nya ang pang-aabuso ng otoridad. Aswang ding maituturing ang kahirapan. Ipinakita ng pelikula na kakabit ng War on Drugs ang sosyo-ekonomik na kalagayan ng mga tao. Mahihirap ang pinapatay at kinukulong. Silang mahina ang kayang lamunin ng aswang.
Aswang ang unang full-length documentary film tungkol sa War on Drugs na gawa ng Pilipino. Hindi nais ng pelikula na gimbalin o sorpresahin ang manunood gamit ang gory images na karaniwang ginagawa ng mga banyagang pelikula sa War on Drugs. Kundi, pinakita ng pelikula ang tahimik, katakot-takot, at walang katapusang gabi ng patayan. Pero hindi naipapakita kung sino ang pumapatay. Pinakikita ng pelikula ang paglilinis ng dugo, pagbuburol, at iba pang mga nangyayari pagkatapos maghasik ng lagim ang aswang.
Tinatahi ng Aswang ang kwento ng EJK sa hibla ng kasaysayan ng Pilipinas. Marahil, isa itong komentaryo sa makakalimuting kultura ng Pilipino. Nagkaroon ng malawakang patayan sa bansa ngunit madaling makalimot ang mga Pilipino. Tila naging coping mechanism na ng Pilipino ang paglimot upang makabangon, upang magsimulang muli. Pinapaalala ng Aswang sa kanyang mga Pilipinong manonood na kakabit na ng kwentong bayan ang krimen ni Duterte. Na sana’y maging bahagi ito ng mga kwentong uulit-ulitin at pagpapasa-pasahan natin sa mga susunod na dekada. Na sa susunod na mga taon, kailangan pa rin nating matakot sa aswang. At sana’y huwag nang hayaang magkaroon pa ulit ito ng kapangyarihan.